Monday, March 12, 2007

Aklan: Boracay - “WORLD’S BEST BEACH"
ni Rose M. Sanvictores

PINAKAMATANDANG lalawigan ng Pilipinas mula pa noong 1213 AD. Tahanan ng pulo ng Boracay, ang pinagpalang paraiso. Sentro ng Ati-Atihan Festival, ang “Mother of All Festivals”. Nang mga hinabing mamahaling tela ng pinya, ang “Queen of Philippine Fabrics”.
May layo sa ere na 216 kilometro sa timog ng Metro Manila, ang lalawigan ng Aklan ay isang malawak at mababang lupain na napapaligiran ng mga bulubundukin sa kanyang kanluran at katimugang bahagi na umaabot hanggang sa paanan ng mga kanluraning bundok ng Panay. Napapalooban ito ng 17 mga bayan at 327 mga barangay sa sakop na lupaing may sukat na 1,817.9 sq.km.
Napakalaki ng potensyal ng Aklan sa pag-unlad lalo na sa larangan nang paghahabi ng pinya, raffia at sinamay na siyang ginagamit rin sa kanilang gift at houseware items. Masigla rin ang kanilang negosyo sa metal crafts, cut flowers, food processing, pottery at furnitures at sa kanilang aktibo na ring information technology center.
Kalibo-Aklan: Ati-Atihan Festival (Enero 1-16)Pinaka-walang taros at tinatawag na “Ina ng lahat ng Pista” sa Pilipinas, ang Ati-Atihan Festival na kilala sa buong mundo ay idinaraos tuwing ikatlong linggo ng Enero sa bayan ng Kalibo sa lalawigan ng Aklan na nasa pulo ng Panay.
Iniaalay bilang parangal kay Sto. Niño, sumisigaw ng malakas at masayang “VIVA KAY SEÑOR STO. NIÑO at HALA BIRA!” ang mga mananayaw na pinipintahan ng uling ang kanilang mga mukha, suot ang nagtitingkaran sa kulay na damit at headdress na yari sa sinamay, kabibe, dahon ng saging, balahibo ng manok, kugon, mga bulaklak, salamin, bakal, plastic, at lambat. May hawak silang sibat na kawayan at kahoy na panangga pati na rin ng mga pana at itak habang bigay-todo sa kanilang pagsasayaw ng walang humpay.
Tangan-tangan naman ng mga deboto ang mga imahen ng Sto. Niño.Alamat ng Ati-AtihanAyon sa mga Maragtas, nagkaroon ng mga paglalaban sa pagitan ng mga Malay at ng mga Aeta o Ati makaraang mabili ang pulo ng Panay.
Nagpasya silang magkasundo para sa kapayapaan at ang dalawang tribu na dating mag-kaaway ay nagsagawa ng piging para sa kanilang pag-iisa. Kinulayan ng mga Malay ang kanilang mga sarili ng uling upang maka-mukha ng mga Ati. Dito nagsimula ang unang “Ati-ati” na hindi kalaunan ay tinawag sa tagalog na Ati-atihan, at siyang sumikat nitong pangalan sa buong mundo.
Hanggang noong 1940’s idinaraos lamang ito sa Kalibo, Aklan. Subalit sa ngayon, ginagaya na ito at ginagawa sa maraming bayan sa Pilipinas bilang pasasalamat sa biyayang bigay ng Sto. Niño. Dinadagsa ito ng maraming mga dayuhan na mula pa sa ibang bansa na naghahanda ng kanilang “advance reservations” 6-8 buwan bago mag-Enero.
Napili ang Ati-Atihan Festival ng United Nations Committee on Tourism bilang “Asia’s Best Tourist Attraction” noong 1983.Boracay: Paraisong TunayBusilak sa puti ang kanyang mala-pulbos na buhangin.
Nagniningning na asul ang kanyang maligamgam na tubig. Nahahanayan ng mga puno ng niyog, palmera at iba pang mga nagsasayawang luntiang mga dahon ang 4 na kilometrong haba ng kanyang dalampasigan. Isang perpektong larawan ng isang tunay na paraiso.
Kaya naman hindi nakapagtataka na tinagurian ang Boracay na “The World’s Best Beach’ ng Sun Herald, Australia at Harper’s.
Mananatiling isang lihim ang kagandahan ng Boracay kung hindi sa ilan mga dayuhang turista na aksidenteng napadpad sa lugar. Sabi ng iba, isang ‘movie crew’ ang nagkalat ng balita tungkol dito sa mga kapwa nilang mahilig sa dagat at araw.
May nagsabi naman na sumikat ito dahil sa isinulat na libro ng German traveler na si Jens Peters, kung saan may isinulat siyang favorable review tungkol sa paraisong isla. Hindi nagtagal ay ang sunod-sunod nang nagdatingan ang maraming mga turista sa “Virgin Island” ng Bora.
Beaches sa Boracay
Para malibot ang buong isla ng Bora, umarkila ng isang bangka o ‘paraw’ sa salitang Akeanon at bisitahin ang ibat-ibang beaches dito tulad ng White Beach, Puka Beach, Bali Hai Beach, Diniwid Beach at Bulabog Beach.
Highly-recommended na kayo ay mag-sailing tour sa “The Red Pirates Pub” sakay ng pulang paraw at malasin ang kahali-halinang paglubog ng araw.
Isa ring magandang activity sa Bora ang ‘horse riding’ at ang pagpapamasahe sa mga babaing Aklanon na nag-bibigay ng massage services o magpunta sa Mandala Spa o sa Tirta Spa.
Mamasyal rin sa “Butterfly Garden” at sa D’Mall para sa inyong ‘wall climbing at shopping.
Dahil hindi kumpleto ang isang ‘beach holiday’ ng walang libro, drop by at Boracay Books na nasa Manggayad para sa inyong masayang pagbabasa.
Ibat ibang lahiAnumang oras sa alinmang sulok ng isla ang mga bisita ay makaririnig ng mga nagsasalita ng English, German, Japanese, Korean, Chinese, Spanish at French.
Para sa mga “first timers” mayroong mga ‘tourism centers’ at mga ‘police & security booths’ na nakalagay sa mga prominenteng lugar sa isla para makatulong at maka-paglingkod.
Titigilan, pagkain at inumin
Para sa inyong ‘luxury stay’ mag-check-in sa mga ‘five star hotels’ o private resorts na may mga air-conditioned cottages, tulad ng Angol Point Resort, Blue Mango, Boracay Beach Chalets, Boracay Regency Hotel Resort and Convention Center ang mga ilan. Sa mga budget conscious tumira kayo sa mga sumusunod: Dave’s Straw Hat Inn, Orchid’s Resort, Turtle Inn at Paradise Bay.
Napakarami ng mga restaurants, bars & grills na mapagpipilian upang kainan, nandiyan ang La Nouva Capannina na may gourmet menus, ang Aria na specialty ang Italian food, Cocoloco na naghahain ng pagkaing Pinoy, ang Mañaña na pawang mga Mexican dishes, ang Kurt’s naman ay German meals.
Idagdag pa rito ang mga ‘in-demand’ na mga fruit shakes ng Jonas Fruitshake sa Station 1, cocktails at mixed beverages sa Cocomangas na sikat sa kanilang “Still standing after 15” na challenge kung saan kapag nakainom ka ng sunod-sunod na 15 ‘ferocious shots’ ay bibigyan ka ng t-shirt at plake na isasabit sa kanilang dingding.
Sa paglubog ng araw, ang ‘relaxing’ Boracay ay isa ng buong ‘partying playground’ na muli lamang kakalma sa pagsikat muli ng araw. Tunay na umiikot sa araw ang kasayahan sa Bora.
Pagpunta
Mararating ang Bora sa pagsakay ng ferry mula sa Caticlan. Mayroong 28 flight ang SEAir kada araw na umaabot lamang ng 35 minuto mula sa Maynila hanggang sa Caticlan Airport.
Ang isa pang daan ay mula sa Kalibo Airport. Mula rito ang mga bisita ay maaring sumakay sa mga mini-vans, bus o rented cars at bumiyahe ng 2 oras hanggang Caticlan.
Asian Spirit, Interisland Airlines, Corporate Air, Philippine Airlines at Cebu Pacific ang iba pang airlines na bumibiyahe papunta sa isla.Pupukaw sa inyong damdamin at isipan.
Pero huwag lamang kayong maniwala, dahil kailangan ninyong MARANASAN ang Boracay. At doon n’yo lang masasabi at maiintindihan kung ano ang binabalik-balikan ng mga nakarating na sa paraisong tunay.
Relax, unwind, enjoy. For your dream vacation, ihanda na ang inyong libro, sombrero, sunblock, sunglasses, shorts, bathing suit at sarong. See you folks in Boracay!

No comments:

Post a Comment